Puerto Princesa City, Palawan - Nagsagawa kamakailan ng Orientation on Integrated Community Food Production (ICFP) ang Provincial Nutrition Office katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist sa mga barangay ng Tanatanaon at Magsaysay sa bayan ng Dumaran kaalinsabay ng community service activity na pinangunahan ng Provincial Task Force Ending the Local Armed Conflict o PTF-ELCAC.
Ang ICFP ay isang hunger mitigation program na binuo ng National Anti-Poverty Commission para matugunan ang kagutuman sa mga mahihirap na pamilya upang mabawasan ang insidente ng malnutrition at maitaas ang pamumuhay ng mga pamilya sa kanayunan. Ayon kay Provincial Nutrition Action Officer Rachel T. Paladan, bahagi ng isinagawang oryentasyon ay ang pagtalakay sa Food Always In The Home o FAITH Project na nakatuon sa pagtatanim ng mga gulay at pag-aalaga ng hayop sa bakuran para mapagkunan ng pagkain ng pamilya.
Samantala, nakibahagi sa aktibidad na ito ang 23rd Marine Battalion ng Western Command na nagsagawa ng community service sa pamamagitan ng pagbibigay ng free haircut, circumcision o tuli sa mga batang lalaki, at film showing na may kaugnayan sa makakaliwang grupo o New People’s Army.
Matatandaan na noong huling bahagi ng nakaraang taong 2019 ay nakibahagi rin ang PTF-ELCAC sa paglulunsad ng Malnutrition Reduction Program (MRP) ng Department of Science and Technology-Package for the Improvement of Nutrition of Young Pinoys (DOST-PINOY) Project na isinagawa sa barangay Tanatanaon sa bayan ng Dumaran, barangay Paly Island sa munisipyo ng Taytay at barangay Caruray sa bayan naman ng San Vicente.
Ilan sa mga serbisyong pangnutrisyon na ipinagkaloob sa nabanggit na mga barangay ay ang pagkuha ng timbang ng mga batang may edad 0-59 buwang gulang at mga nanay na buntis para malaman ang kanilang nutritional status; pamamahagi ng supplementary food commodities tulad ng micronutrient powder, nutri-blends at nutri-curls; pagbibigay ng Vitamin A supplementation at deworming o pagpurga.
Ang libreng serbisyo naman na ipinagkaloob ng PTF-ELCAC na pinangunahan ni Lt. Col. Charlie A. Domingo, Jr. ay haircut, Oplan Tuli, pamamahagi ng school supplies, strollers at tsinelas para sa mga bata. Nagsagawa rin sila ng kampanya laban sa mga grupong kontra sa gobyerno.
Ang National Task Force-ELCAC ay ang kasagutan ng pamahalaan sa paglaganap ng karahasan dulot ng mga makakaliwang grupo. Sa lalawigan ng Palawan, ang Provincial Task Force-ELCAC ay pinamumunuan ni Gob. Jose Ch. Alvarez bilang chairman. (MALCalapardo, PGO-Public Relations/PROMO NutriCom)